Tinderella
"Sa malayong lugar ng Muzon Pabahay 2000, may isang napakagandang prinsesa na nagngangalang Caz, kunwari yung damit ko parang kay Cinderella."
Kwento ko habang naglalaro kami ng bahay-bahayan sa walang bubong na court sa pabahay.
"Gustho ko ako rin printheta!"
"O sige at may kapatid siya na ang pangalan ay Prinsesa...?"
"Printeth!"
"Prinsesa Printeth. Masaya silang naglalaro. Hanggang isang araw may dumating na..."
"Rawr! Monster!"
"Waaaaaaah!"
At yun ang cue namin para tumakbo. Araw-araw palagi kaming tumatambay sa court ng pabahay, sinisinghot ang alikabok sa daan. Hindi pa uso noon ang katol - alikabok muna.
Mga prinsesa kami ng kalsada at sa bahay prinsesa rin kami ng kadugyutan - amoy pawis at puno ng mga libag. Mga wala pa kaming hiya, mga bata pa kami. Hindi kami nandidiri lahit magkakahalo ng kami ng pawis.
Ganoon kaming mga bata sa pabahay, mga laman ng kalsada, mga suki ng kendi sa tindahan. Mga palahingi ng piso at mga artista ng sarili naming palabas.
Masaya na ako noon sa prinsesa prinsesahan.
---
Isang taon ang nakalipas...
"Merong dalawang prinsipe ang dumating, si Bryan at si Dadan."
"Tapos kunwari may dragon na dadating. Ililigtas kita Caz, yaaaaaaah," sigaw ni Bryan.
"Uwi na, matulog ka na Caz, para lumaki ka," pagpuputol ni mama.
Malungkot akong pumasok noon sa bahay. Malungkot kong tinignan sila Bryan at Dadan. Buti pa sila di pinapatulog sa hapon.
Pero di ako nagpatinag, sa butas ng pader naming may hollowblocks na may design tinuloy namin ang kwento.
"Kunwari kinulong daw ako sa castle."
"Sige, iiligtas kita Caz, papatayin ko muna yung dragon. Yaaaaah."
"Dito lang kayo wag sa malayo di ko kayo makikita."
"Sige na nga."
Araw-araw paulit-ulit na kwento ang inaarte namin. Ako yung prinsesa na niligtas niya palagi sa dragon. At silang dalawa naman ng kapatid niya ang mga prinsipe ko.
---
"Kapag ba kinasal na kami ni Caz, dito pa rin tayo titira, Mommy."
Pinamulahan ako nang marinig ko yun. Gusto niya raw ako.
"Caz kapag malaki na tayo magpapakasal tayo ah."
"Eh bata pa tayo. Eh di kapag big girl ka na."
Napakadaling mangako, napakadaling mawili sa lundong kayo lang ang magkalaro. Napakabilis mahulog sa akala mong mananatili sayo.
---
"Bryan, babay lilipat na kami sa probinsya. Pero babalik ako."
"Mamimiss kita Caz, bilisan mo ang balik ha?"
Ang inakalang pagbabakasyon sa probinsiya ay naging taon. Doon na rin ako nag-aral. Inaral kong makibagay doon, pero kahit ni minsan di ko nakalimutan ang mga prinsepe ko sa dati kong kaharian.
Pero ganun naman talaga sa mga storya di ba? Maghihiwalay muna sila sa gitna ng storya para pagbalik nila, itutuloy nila ang naudlot na kwento.
Itutuloy namin, ang naputol laro.
At baka sa pagkalataong ito hindi na ako aalis ulit.
---
Dalawang taon ang nakalipas,
Bumalik ako sa Pabahay.
"Dumating ang dalawang step sisters, si Ethyne at Mien. Palagi nila akong inaaway Barbie. Ikaw na lang tuloy ang kaibigan ko. Pati si Bryan at Dadan inagaw na nila."
May mga bago na siyang prinsesa. Oo nga pala, kahit si Disney hindi lang si Cinderella ang prinsesa, meron pang Elsa, may Anna, may Aurora, Moana... Ako nakalimutan na.
Paano na si Cinderella?
Wala akong fairy godmother. Wala rin akong glass slippers, kaya siguro mas pinili mong kalaro yung mga step sisters.
Paano na ko Bryan. Sila ba yung mas better?
---
"Ganoon, The End."
"Ano ba yan tita, bitin," bulalas ni Yoona.
"Ganoon talaga bata ka pa kasi. Yung mga kalaro mo, di mo sila forever kalaro. Ipagpapalit ka na nila sa may mas magandang laruan."
Wala eh ganoon talaga. Merong mga hanggang kwentong pambata lang, natatapos sa the End.
"Sige na tama na kwento magtitinda pa ko. Mag-aral ka na lang diyan."
Hays paulit-ulit ko na lang kinekwento yun kay Yoona. Walang araw na hindi siya nagsawa na marinig yon. Palang lang din namang bitin ang magiging kwento ko sa kanya. Hindi na hahaba - pinutol na kasi agad.
"Pabilan!"
Napatigil ako sa pagmumuni-muni sa nakaraan.
Si Bryan.
#WMSUnlikelyLoveStories
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Featured Posts
Brains and Beauty
"Negativities in life are essential for only in subtracting you can make a difference..." That is how I started my introduct...
-
"Negativities in life are essential for only in subtracting you can make a difference..." That is how I started my introduct...
-
No, I don't wanna be that little-miss-perfect anymore, I don't wanna be that someone who will always be there to catch you whenev...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento